Nitong mga nakaraang buwan, ang dami kong pinagdaanan (dahil sa law school at sa buhay pag-ibig) kaya naisipan ko na bigyan naman ng reward ang sarili ko. Ang hirap, bes! Lahat na yata ng emosyon naramdaman ko na nitong nakaraang mga buwan. Hindi biro yung pinagdaanan ko ha! Pero salamat sa Diyos dahil nakasurvive ako. Bago sumabak sa madugong review, kinailangan ko munang mag-isip at magrelax. At dinala nga ako ng mga paa ko sa Batangas. Ichichikka ko sa inyo yung naging bakasyon ko. Maaga pa lang, umalis na ako sa bahay para maaga rin ako makarating sa Batangas. May sakayan ng van na pa-Calatagan sa likod ng Kabayan Hotel sa Pasay (malapit sa EDSA-Taft Station). Medyo matagal nga lang maghihintay dahil kelangan punuin yung van. Patience is a virtue, bes! Yung forever mo nga,ang tagal tagal na pero hinihintay mo pa rin, yang pagpupuno pa kaya ng van? HAHAHA! Kapag napuno na ang van, wala kang gagawin kundi maupo at matulog. Pwede ka rin naman mag-bus sa halagang 160 pesos pero medyo matagal ang byahe (for sure). Anyway, huwag ka mag-alala kasi hindi ka lalagpas sa destinasyon mo dahil sa Calatagan Market ang last stop ng byahe. Oo, dun titigil ang byahe mo katulad ng pagtigil ng byahe ng buhay pag-ibig mo. Chos! Pagbaba mo sa market, may mga tricycle na dun na naghihintay. Sabihin mo lang sa Manuel Uy Beach ka pupunta pero pwede mo rin naman i-text itong tricycle driver na nacontact ko. Text mo lang si Kuya Kiko (09203426812). Pero mas maganda kung the day before eh magtext ka na sa kanya para sure na masusundo kasi pag biglaan, baka may byahe sya. 200 pesos ang bayad from Calatagan Market to Manuel Uy Beach. Chillax ka lang sa tricycle habang nasa byahe. Pagdating sa Manuel Uy Beach, magbabayad muna ng 30 pesos na environmental fee bago tuluyang makapasok sa beach. Kelangan muna dumaan sa parang reception ng beach para magbayad ng entrance fee. Dahil overnight ako, 100 pesos ang bayad at dahil wala akong dalang tent, may pinaparent sila for 500 pesos. Pwede ka rin naman magdala ng sarili mong tent at magbabayad ka ng 50 pesos para sa tent pitching. Pagtapos nun, ibababa ka na ni kuya tricycle driver malapit sa bridge na kelangan mo tawirin para makapunta ka sa area kung saan pwede maglagay ng tent. Pumili ka ng magandang spot, bes. Wag yung basta basta na lang katulad ng basta mo na lang na pagpili sa ex mo dati. Haha!
Syempre bago ka tuluyang tumawid sa liwanag, este sa bridge na ito, magpictorial ka muna. Bonggahan mo bes! Yung mahihiya yung mga nagpeprenup dahil sa pagiging kabogera ng pic mo. Pang cover photo or profile pic din yan sa social media accounts mo. Pag nakatawid ka na, yan na yung sinasabi kong hahanap ka na ng magandang spot kung san ka pipirmi. Hanapin mo yung perfect spot at hindi yung magmumukha kang nakikisiksik lang tulad ng lugar mo sa puso nya. Chaaaaar!
Ayan, dyan ko ko nilagay yung tent ko para maganda pwesto. Malilim dahil may puno at dahil mabait sila kuya, may upuan sila na ipinahiram kaya kapag bored ka na sa tent mo, upo ka lang sa long bench tapos hayaan mo lang hawiin ng hangin yung buhok mo sabay kanta ng Sana Maulit Muli HAHAHA! Emotera! Huwag kang mag-alala kasi may tindahan naman dyan. Pwede ka bumili ng inumin mo or mga chichirya pero kung ako sa'yo, magdadala na lang ako para mas tipid or kung tamad ka naman magbitbit, dun ka na sa Calatagan Market bumili dahil mas mahal na kapag dun ka mismo sa may resort bumili. Kung naiihi ka naman, wag ka mag-alala dahil may CR din sila. 5 pesos para sa pag-ihi, 10 pesos sa paglalabas ng sama ng loob at 20 pesos para sa pagligo. Ang beach na ito ay para sa mga tao na gustong tahimik na paligid. Dahil nakatent ka lang, wag kang mag-expect na may kuryente. Bawal mag-inarte bes! Pero kung gusto mo talaga, pwede ka naman maki-tap ng kuryente sa halagang 120 pesos. May nag-aalok din ng island hopping kaya push mo bes kapag gusto mong magsunog talaga ng balat.
Kung ang hanap mo ay lugar kung saan makakalma yung puso, kaluluwa at buong pagkatao mo, ito na talaga yung perfect na lugar para sa'yo. Maganda rin yung eksenang nagbabasa ka ng libro habang nakikinig sa player mo ng paborito mong kanta habang naririnig mo din yung bawat paghampas ng alon at habang dumadampi sa balat mo yung hangin. PERFECT! Scroll down ka lang para makita mo yung mga pic na kuha ko. Enjoy! Huwag ka ng magpatumpik tumpik pa, gora na agad sa Manuel Uy. TIP: Weekdays pumunta dito para hindi masyado matao dahil kapag weekends, madami daw talagang bisita. At wag mag-expect ng malalim na tubig dahil malapit ka na sa marker nila, di pa lumalagpas sa bewang mo ang tubig. Tamang chill lang talaga sa dagat.
Syempre hindi ko nakalimutan ang forever love ko kapag nasa dagat - SUNSET!
No comments:
Post a Comment